May 05 1997, Monday 10 AM, ng araw na yun walang lingon likod akong pumasok sa bakuran ng Sisters of Mary School sa Bacood Sta. Mesa. Tandang tanda ko pa ang huling bilin sa akin ng yumao kong ama nuon “Anak , magpapakabait ka ha, mag-aral kang mabuti, kapag nahirapan ka sabihin mo sa amin at babawiin kita. Kapag pumasok ka na huwag ka ng lumingon kasi kapag ginawa mo yun iiyak lang ako baka pigilan kita.”
Bitbit ang kakarampot na lakas na loob tuloy tuloy akong pumasok at ni hindi na lumingon. Habang naglalakad patungo sa Bldg. 1 sinabi ko sa sarili ko na dito ko uumpisahan ang panibagong buhay… NG MAG-ISA… musmos man at animo’y walang muwang sa mundo alam ko na nuon kung anong mas nararapat na gawin. Narinig ko pa nga ang chime bell nuon na inakala kong piano. Naisip ko tuloy “may piano lessons pala dito, at sobrang lakas” dinig sa buong lugar na ganun kalawak at kalaki.
Higit kumulang dalawa o tatlong oras akong naghintay sa office nuon. Nanginginig na ako sa ginaw ng isang madre ang kumuha sa amin nung kasabay ko na FIRST YEAR din. Aliw na aliw ako sa disenyo ng bawat gamit sa buong gusali. Pareho- pareho at iisa ang kulay, pantay na pantay pa ang pagkakaayos sa disenyong nakaaaliw. Pagpasok ko sa dorm ilang maiitim na bata na may katamtaman laki ang lumapit sa akin at nagtanong “Ate anong pangalan mo?” Sumagot naman ako. Maya maya pa isang bata na naman ang nagtanong ” JO.. JO.. anung basa sa apelyido mo? JO-LE JO-LE??? ay parang JOLEN!” sabay tawanan ng malakas ang iba pa. Hindi na ako nagsalita pang muli. Naisip ko… iilang oras pa lamang akong naruroon kahihiyan na agad ang inabot ko, sabay bawi sa naisip at nasabi ko na lang sa sarli.. “langhiya kayo! may araw din kayong lahat sa akin…”
First time ko sa klase ng araw ding iyon isang kaibigan ang nakilala ko. English ang first period namin nuon. Nakakagulat na sa mga sandaling yun isang tao lamang ang nakakuha ng atensyon kong kanina pa lipad ng lipad kung saan. Isang batang kasing gulang ko, kayumanggi, may biloy sa magkabilang pisngi, may makapal na salamin sa mata at hippy kung kumilos ang lumapit sa akin at nagpakilala. Pakiramdam ko nuon maswerte ako dahil nakakilala agad ako ng kaibigan. At sa ganun nag-umpisa ang musmos naming pagkakaibigan.
Naging malapit kami sa isa’t isa. Palibhasa bagong salta at inosente sa kung anuman ang kalakaran duo’y inakala kong ayos lamang ang lahat. Makalipas ang isang buwan kung hindi ako nagkakamali nagkaroon ng EXAMS FOR RESECTIONING na magtatalaga sa amin sa nararapt na pangkat para sa bawat mag-aral. Isang liham ang ipinaabot ko sa isang kamag-aral para sa nasabing “malapit kong kaibigan” na pinag-ugatan ng isang mabigat na suliranin kong maituturing ng mga panahong iyon.
Lunchtime. Sa hindi ko na maalalang araw at oras isang kagimbal gimbal na pangyayari ang tumambad sa akin. Hindi ko pa nauubos ang nakahandang pagkain sa harap ko ng kunin ng HELPING SISTER namin ang atensyon namin lahat. Isang liham ang binasa nya ng ubod lakas sa aming lahat. Ilang sandali pa namalayan ko na lamang ang sarili na nanginginig ng husto at umiiyak. Liham na ukol para sa “malapit kong kaibigan” ang binabasa ng helping sister namin ng mga oras na yun.
Sari saring pangungutya ang aking narinig. Hindi lamang isa kundi marami pang iba ang tumuligsa sa akin. Ilang helping sisters din ang nagsermon at nag-paiyak sa akin ng mga panahong iyon. Para akong nakaharap sa husgado sa tuwing tatanungin nila ako at pagagalitan ukol sa isyung iyon. Maging sa dalawa pang madre na kinailangan kong harapin ay nakatanggap ako ng masasakit na salita na animo’y isa akong kriminal na kinukutya sa isang maliit na kasalanang hindi ko inakalang kasalanan pala at mahigpit na ipinagbabawal. Pinagbawalan nila akong lumapit o makipag-usap sa nasabing “malapit kong kaibigan” at pinagbantaan nila akong iki-kick out kapag nakitang nakikipag-usap o kasama ng huli. Sinunod ko sila mabigat man ito sa kalooban sa takot sa nakaambang panganib sa akin.
Mula nuon ay hindi ko na ginawang lumapit o makipagusap sa nasabing kaibigan. Sa tuwing makakasalubong ko pa nga siya tumatakbo akong pabalik o di kaya’y lumilipat ng daan huwag lamang mapalapit sa kanya. ang pangyayaring iyon ang nagbigay sa akin ang naging mitsa at ugat ng samut’ saring sama ng loob na naranasan ko sa apat na sulok ng institusyong iyon. Kaunting pagkakamali lamang ay tiyak na isang malawakang panghihiya na naman ang daranasin ko. Masakit para sa akin ang lahat ng iyon subali’t pinilit ko itong tiisin alang alang sa pangarap na pinanghahawakan at mga magulang na umaasang makakatapos ako sa paaralang iyon. Idagdag na rin dito ang pride kahit pa nga kung tutuusin napakabata ko pa nuon.
Ilang taon pa ang lumipas hanggang sa nakapagtapos ako ng highschool ay hindi ko na nagawang makipag-usap pa sa nasabing kaibigan. Sa ngayon hindi ko rin alam kung ano ang nasasaloob nya. Marahil isa sa mga araw na ito muli ko syang makakasama at magkakausap.


Maybe today, that person still wants to be your friend
tell her/him.


